Rebyu Atkins, Gary L. 2012. Imagining Gay Paradise: Bali, Bangkok, and Cyber-Singapore. Bangkok: Silkworm Press. ANG PAGHAHANAP SA PARAISONG MAPAGPALAYA * Jeffry P. Acaba Education and Research Unit Youth LEAD - Bangkok, Thailand PANIMULA Makapangyarihang paglalarawan na nagdudulot kapwa ng pagsisiyasat at paghamon ang aklat ni Gary L. Atkins na pinamagatang Imagining Gay Paradise: Bali, Bangkok, and Cyber-Singapore. Pagpapahayag ang titulo nito, hindi ng pangunguwestyon sa katotohanan, kundi ng proseso ng kaganapan at patuloy na pag-asa sa isang espasyong mapagkandili at inklusibo. Tatlong posibilidad ang inihahain ng libro tungo sa paghahanap ng paraiso: bilang pagtakas sa mundong hitik ng pagpupumilit, bilang kanlungang binuo ng nagbabagong istrukturang panlipunan at nagbabagong-kahulugang panlipunang tungkulin, at bilang kilusang nagdiriwang sa kakanyahan ng indibidwal at kalayaang sekswal. Lunsaran ang pabalat ng aklat ng pagtatangkang paghambingin ang dalawang magkaibang daigdig ng pagkamangha: sa ibabaw, isang pagguhit sa larangang nagpapakita ng tradisyunal na kalinangang Bali na nagpapahiwatig ng gamit ng sining at imahen, at sa ilalim, isang pinagsaluhang selebrasyon ng kumukutitap na liwanag at nangingibabaw na dilim. Pinapakita ng Imagining Gay Paradise ang iba t ibang paraan ng pagtingin. Interesante ang pagkakapili ng mga kulay: ang paggamit ng berde upang bigyang-diin ang artistikong ambag sa paglikha ng realidad, marahil isang pag-uugnay na rin sa paggamit sa teatro na sinimulan bandang ika-19 na dantaon sa New York ayon kay George Chauncey (1995). Gayundin, ginamit din ito upang ilarawan ang pagtakas sa mga 154 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
kinatatakutan gaya ng naipakita sa Nosferatu (pah. 50-69). At sa ilalim ay ang kulay pink, na nag-uugnay ng sarili sa kulay na kumakatawan sa kontemporanyong kulturang bakla. Nakapaloob sa 316 na pahina nito ang malikhaing salaysay ng mga pangkasaysayang tala hinggil sa tatlong indibidwal na sumasaklaw sa 66 na taon ng pagtatangkang maghanap ng lulugaran sa tatlong piling lunsod sa Timog Silangang Asya at maghanap ng kanlungan kung saan maaari nilang likhain ang kani-kanilang hinirayang ideyal na lalake. Isinalaysay ang tungkol kay Walter Spies, isang Alemang pintor noong dekada 1930 na ineksilo ang sarili mula sa nakakauyam na buhay sa kanyang pinagmulang bayan upang maghanap ng mga nakakubling pagpapahayag ng pagkalalake sa Bali, Indonesia. Naisalaysay rin ang tungkol sa isang Hari, na sumunod sa kanyang amang Hari, na isa mga unang kasapi ng kanilang pamilyang royal na nag-aral sa ibang bayan upang malaman at maangkin ang sibilisasyon sa nagbabagong kaayusang Siamese, ngunit sa halip, sinasabing nasumpungan niya ang kanyang pagkakalayo sa ideyal ng superyoridad kung kaya t nagtayo siya ng sarili niyang imperyo. Isinalaysay rin ang tungkol kay Stuart Koe, isang edukadong Singaporeanong Tsino na ginamit ang cyberspace upang makalikha ng kubling-daigdig ng pagpapalayang sekswal at makahanap ang pagpapahayag ng kalayaang sekswal. Idinetalye sa aklat ang pagtatangkang maghanap ng kanlungan sa Timog Silangang Asya sa panahong pumasok na ang impluwensyang Kanluranin sa rehiyon at nabigyang-hugis na ang modernong panlipunang kaayusan at mga kumbensyon kaugnay ng kasarian. Maingat na sinaliksik ni Atkins ang mga detalye sa buhay ng mga indibidwal na ito at kung papaano nito naapektuhan ang mga kasalukuyang nosyon ng homosekswalidad at pagtanggap sa mga bakla sa tatlong bansang ito sa rehiyon. May kahirapang lagumin ang aklat alinsunod sa tuon nito sa impluwensya ng tatlong indibidwal sa kabisera lamang ng kani-kanilang bansa. Sang-ayon kay Freek L. Bakker (1995), hindi kailanman itinuring ang Bali bilang kapitolyo ng Indonesia, at ang impluwensyang Islamiko sa isla y kaiba sa kabuuan ng bansa. Hindu sa kalakhan ang relihiyon sa Bali na kaiba kaysa sa kabuuan ng Indonesia na dominante ang Islam. Kung mayroon man sanang higit na sinipat si Atkins sa pagbibigay ng komparatibong pananaw sa tatlong salaysay, iyo y ang maghanap ng indibidwal na nakapag-ambag sa paghugis ng kasalukuyang estado ng mga bakla sa Jakarta, Kuala Lumpur, o Hanoi. Lumilitaw, gayunman, na sinadya ang pagpili sa Bali sa librong ito. Binigyang-repleksyon ni Alison J. Murray (2001) ang muling pagsasabuhay ng talastasan hinggil sa mahabang kasaysayan ng presensya ng mga Kanluraning baklang lalake sa Bali, gayundin, ang paglago ng turismong bakla sa islang ito sa kasalukuyan. Pinatutunayan nitong interesanteng pokus ng pag-aaral ang Bali sa aspeto ng Oryentalismo at eksotisismo bilang mga sangay ng pagsusuri sa libro. Nakapagtataka nga lamang kung bakit hindi rin ito ginamit sa mga farang ng Bangkok (may maikling bahagi gayunman, sa buhay ni Darrell Berrigan, na namatay sa Bangkok at nagpook sa paningin ng siyudad sa dinamiko ng farang) (pah. 155 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
154). Magkagayunman, nagamit ni Atkins ang utilisasyon ni Spies ng paraang reyalismong mahikal upang pangatwiranan ang posibleng pagsasabayan ng dalawang magkatunggaling daigdig laban sa isa t isa hindi bilang daigdig sa loob ng isang daigdig, ngunit, batay nga sa pakiwari ni Stephen Slemon, bilang digmaan sa pagitan ng dalawang magkatunggaling sistema, bawat isa y patungo sa pagbuo ng kaibang anyo ng mundo mula sa isa t isa (pah. 71). Pagpapatuloy ang Imagining Gay Paradise ni Atkins ng kanyang pananaliksik kaugnay ng tema ng paghahanap ng tahanan at mapagkakanlungan batay sa nauna niyang librong Gay Seattle (Atkins 2003). Tila pagpapatuloy nito ang Imaging Gay Paradise, bagama t sinaliksik sa kabilang ibayo ng daigdig. Mas kaunti lamang ang naging pagtatala sa demonisasyon ng homosekswalidad sa tatlong bansa sa Timog Silangang Asya; sa halip, ang mga indibidwal na pagpupunyagi sa pagbubuo ng kapanabayan at alternatibong daigdig ang higit na pinagtuunang-pansin. Habang pagpapakita ang Gay Seattle ng mga kuwento ng pagkaeksilo at pagpapaloob sa bayan, mga pag-asa at pangarap naman ang ibinandila sa Imagining Gay Paradise. Gumamit si Atkins ng pamamaraang pagkukuwento upang matukoy ang pangkalahatan at pang-indibidwal na tunguhin ng mga karakter at nang sa gayo y higit na maintindihan ang mga dinamiko at ugnayan sa pagitan ng mga karakter. Nakatulong ang pagsusulat sa paraan ng pangkasaysayang panitikang hindi kathang-isip upang mapadali ang pagbabasa ng aklat at maalis ang mabibigat na detalye at argumentatibong lapit na gaya ng masusumpungan sa mga tradisyunal na pagsusulat ng kasaysayan. Ngunit sa kabila nito, hindi kinompromiso ni Atkins ang masinop na pagsasalansan ng mga datos at masaklaw at malawak ng nilalaman sa pagbubuo ng mahuhusay na naratibo sa tatlong pangunahing indibidwal na tampok sa libro. Isang partikular na katangian ng mga librong pangkasaysayang gaya nito ang paggamit ng mga talahuli para makapagbigay ng karagdagang impormasyon at masuri ang mga kaugnay na sanggunian para sa mga detalyeng nangangailangan ng higit na pagkaunawa. Gumamit si Atkins ng mga talahuli sa paraaang hindi nakakasagabal, bagay na nakapagpadali sa tuloy-tuloy na pagbabasa nang hindi pabalik-balik sa mga talahuli upang tingnan ang mga karagdagang impormasyong maaaring lumabas sa pangunahing paksa. Iniwasan ito ni Atkins at sa halip, tumuon siya sa pagsasalaysay ng mga kuwento, dahilan upang maging kaaya-aya ito sa pagbabasa. PAGPIPINTA NG PARAISO Sa paghahanap ng higit na angkop na pamagat sa malikhaing akdang ito, interesanteng debate ang iniharap ni Atkins sa pagkapili niya ng dalawang partikular na salita: imagining (paghihiraya) at paradise (paraiso). Sa Oxford Dictionary of English (2003), 156 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
ipinakahulugan ang imagining bilang pagbubuo ng imaheng mental at pormasyon ng paniniwala. Sa kabilang banda, may kahulugan ang paradise bilang ideyal na lugar o sitwasyon. Makatuturang maunawaan sa pagbabasa ng libro kung paanong inilarawan ng tatlong karakter ang paraiso sa paghahanap nila ng ligtas na lugar. Pero ano nga ba ang paraiso? Lugar ba ito para sa pagtakas? Kanlungan ba ito? Mecca ba ito ng pagpapalayang sekswal? Matatandaang sa panahon ng pinaksang Hari, noon nagsimula ang krusada ng mga Europeong burgis laban sa mga tinawag nilang mga imoral at masasama, kasama na rito ang mga alagad ng sining at manunulat, nakapagtakda na ng ideyal na batas at kaayusang Europeo na naghiwalay sa kung alin ang katanggap-tanggap o hindi katanggap-tanggap na pag-uugaling sekswal (pah. 5-6). Ang napatanyag na paglilitis sa manunulat na Ingles na si Oscar Wilde noong 1895 ay hindi lamang nagpasimula ng pag-alis ng mga baklang lalake sa Europa, kundi nagamit na rin ng mga kilalang personalidad gaya ng pinaksang Hari, na nang lumao y humamon sa kaayusang ito sa kanyang pagbabalik sa Siam. Hindi ganoong kainteresado ang Hari na sundan ang nakagawian ng kanyang mga ninuno, ang mangolekta ng mga babae upang mapanatili ang pagkalalake ng Hari at maipagpatuloy ang linya sa pamilya (pah. 35). Kapansinpansin, gayunman, na ang natalisod niya sa kanyang mga paglalakbay sa Europa ay ang posibilidad ng pagtatayo ng mga knowledge club para sa mga lalake at pagpapasinaya ng mga espasyong panlalake lamang, bagay na magpapasaya sa kanya kinalaunan. Sa harap ng paggiit mula sa taumbayan at pagkakaugnay ng kaharian sa Kanluran na impluwensyahan ang tatlong nangingibabaw na kaayusan kaugnay ng kasarian, teatro ang nagsilbing instrumento ng Hari upang matugunan ang sitwasyong ito (pah. 197, 206). Limampung taon makalipas nito, makikita nating maiimpluwensyahan nito si Khun Toc sa pagtatayo ng Babylon (pah. 182-183). Kinakatawan ng aklat ang magkakaibang hirarkiya ng kapangyarihan at gahum na nakaambag sa pagsasakongkreto sa mga paghiraya sa isang paraisong bakla upang tutulan ang nangingibabaw na tatluhang kaayusang pangkasarian ng monogamiyang heterosekswal na romantikong pag-ibig. Sa kabilang banda, mula sa nakuhang pagpupumilit sa kanyang mga kapatid at pamangkin na patatagin ang kaharian habang itinatawid ang ideolohiya ng sibilisasyon sa Siam, nabuksan din ang Hari sa ideyal ng homosekswalidad sa kanyang pag-aaral sa United Kingdom at paglalakbay sa Europa. Hindi ito bago, gayunman, dahil ang mas bukas na pagtanggap sa mga pag-uugaling sekswal sa Thailand, partikular na ang pag-uugali kaugnay ng magkatulad na kasarian ay malinaw na noon pang ika-17 dantaon, at hindi ito nahaharap sa persekusyon ayon kay Barend Jan Terwiel (2007), na kahit pa nga ang mga pangala y nakaambag sa kawalang katiyakang pangkasarian ng mga Thai (pah. 10). Ang pagkaluklok ng pinaksang Hari bilang Hari ay naglagay sa kanya sa pedestal kung kaya t hindi rin kinuwestyon ang kanyang konstruksyon ng mga tanggapang binubuo lamang ng mga lalake na tumugon kapwa sa kanyang mga sariling pangangailangan at sa pangangailangan ng kanyang kaharian. Naiiba ang kontrol at kapangyarihang ito sa impluwensya ni Spies sa Bali kung 157 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
saan ginamit niya ang sining at realismong mahikal sa paglalarawan ng Bali bilang pook kanlungan para sa mga bakla. Sa kaso ni Koe sa kabilang banda, subersibo naman ang gahum at naharap siya sa matinding oposisyon mula sa rehimeng pulitikal. Ipinapaalala sa atin nito ang katuparan ng dalumat ng hinirayang komunidad ni Benedict R.O. Anderson (1983) na naisakongkreto ng pampulitikang gawain at paggigiit sa kaso ng Hari at Koe, o sa boyuristikong romantisasyon ng pangangatawang lalake sa kaso ni Spies (pah. 11). MGA NAKATAGONG KATOTOHANAN: ORYENTALISMO AT SUPERYORIDAD NG MGA PUTI Komprehensibong naipakita sa libro at nagsilbi ring balangkas ni Atkins sa naratibo niya ng tatlong indibidwal ang pagtatakda at pamimilit na makiayon sa tatluhang kaayusang pangkasarian: heterosekswal, monogamya, at mga ideyal na romantiko. Para sa kanya, isinaad na taboo ang alinmang hindi tumutugma sa mga gawi mula sa tatlong pundasyong nabanggit: mga gawaing homosekswal, poligamya, at kapalagayang sekswal, na pawang salungat sa mga ideyal, at kung tutuusin, masasabing hindi nakakaambag sa panlipunang kaunlaran (pah. 50-52, 95, 143). Dalawa pang karagdagang aspekto sa inihaing kaayusan liban sa tatlong larangan ng superyoridad ang uring panlipunan at edad. Higit na malinaw ang una sa pagkakabuo ng ideyal na lalakeng superyor sa Singapore noong pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig: sa pagtuon sa ekonomiya ng Singapore bilang kolonyang Ingles, ang nakapag-aral, mayaman, at maalam sa teknolohiya ang siyang lilitaw na ideyal na lalake (pah. 160-166). Nagkaroon pa nga ng repleksyon ang ideyal na lalakeng Singaporean (matalinong ideyal) sa mga batas nito patungkol sa kung papaanong ang mga baklang lalake, sa partikular, ay nananatiling kriminalisado sa ilalim ng mga batas sa Singapore sa Kodigo Penal nito. Halos kasing-halaga ang konsepto ng pink dollar sa pagkakabuo ng komunidad ng mga bakla sa Singapore, na siyang magtutulak kalaunan sa paglulunsad ni Koe ng Nation dances isang ekslusibo para sa mga lalakeng sayawan na ginagawa sa isla ng Sentosa bilang pagdiriwang sa National Day ng Singapore, at gayundin, upang ipagdiwang ang pagkakakilanlang bakla (pah. 234). Sabayan din ang pagtatanghal sa ideyal na lalakeng Thai sa ideyal na estadong panlipunan: ang modernong ideyal (pah. 62-62). Taliwas sa inasahan ng kanyang ama gayunman, isinaayos muli ng Hari ang kanyang palasyo ginawang puro lalake na lamang ang mga kasapi nito at ipinag-utos ang pagpapatala ng lahat ng kalalakihang nagtatrabaho para sa kaharian. Kinasangkasapan ng Hari ang kapangyarihan ng kanyang imahinasyon upang lumikha ng sarili nyang ideyal na lalake. 158 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
Naging limitado naman ang pagtalakay sa pangingibabaw ng usapin ng pinahihintulutang gulang sa pakikipagtalik sa tatlong siyudad. Sa tatlo, gayumpaman, Bali at Bangkok lamang ang may pinahihintulutang gulang batay sa mga batas na sumasaklaw sa ugnayan ng magkatulad na kasarian (Kingdom of Thailand 1956; Kingdom of Thailand 1997; Republic of Indonesia 1999; Republic of Indonesia 2002). Samantala, ginagawang krimen sa Singapore sa pamamagitan ng implementasyon ng 377A ang lahat ng kalalakihang may gawaing sekswal sa katulad na kasarian. Sa Imagining Gay Paradise, tanging sa mga naratibo lang ni Spies nabigyang-puwang ang usapin ng pananaig ng edad na ito sa kadahilanang ito rin ang magiging dahilan sa kanyang pagkakakulong nang lumaon (pah. 117). Sa kabila nito, maaari nating tantyahin na may lumalakas na panggigiit ng impluwensya sa kaharian ng Thailand upang maglagay ng limitasyon sa edad kaugnay ng pinahihintulutang gulang sa pakikipagtalik. Naging importanteng aspeto sa paghiraya ng paraisong bakla ang paghiraya mismo ng ideyal na pangangatawang panlalake. Sa ispesipikong pagkakatawid nito sa iba t ibang katayuang pulitikal, interesante sa akin ang naging intensyon ni Spies sa pagpili ng Bali. Malinaw sa kanya ang layuning iwan ang Alemanya sa malao t madali sapagkat nakaramdam siya ng hindi pagkakatugma sa kalakhan ng populasyong Europeo (pah. 16). Sa kabila nito, gayumpaman, naintriga ako sa umiiral na Oryentalismo sa mga sulating sekswal ni Spies hinggil sa pangangatawang panlalake ng mga Asyano (pah. 76-78). Ang mga iginuhit at ipininta ni Spies na mga lalakeng Balinese na naglalaro ng kanilang panabong, ang emphasis sa balingkinitang pangangatawan, at ang mga katangian ng kabataang lalakeng nakahubad habang naliligo sa lawa ay pawang ginuhit mula sa bandang likuran, naghuhudyat sa posibleng boyuristikong tanaw ni Spies sa kalalakihang Balinese (pah. 77-78, 105-116). Higit pa rito, nakakaintriga sa akin kung paanong binigyang-hugis ni Atkins ang argumentong hindi lamang pagtakas o paghahanap ng kanlungan ang paraisong bakla, inangkat din ito mula sa Kanluran: na ang mga ideya ng homosekswalidad, kalayaang sekswal, at pagnanais na baguhin ang kasalukuyang sitwasyon ng hindi pantay na pagturing sa mga bakla at kawalan ng espasyo para sa mga bakla upang maisakatuparan ang kanilang kalayaang sekswal ay inihalaw sa Kanluran at hindi buhat sa panloob na pamamaraan at talaban. Kailangang banggitin na sa isang pag-aaral noong 2014 mula sa United Nations Development Programme (UNDP) at United States Agency for International Development (USAID) hinggil sa lesbians, gays, bisexuals, at transgenders (LGBT) sa parehong Indonesia at Thailand, nasiyasat na may maaga nang tala ukol sa kawalang katiyakan ng kasarian at sekswalidad sa panahong mas matanda pa sa ika-14 na dantaon sa Thailand, at maagang dekada ng ika-20 siglo sa Indonesia. Maaaring pagpapakita ito na ang mga gawi, at kahit papaano, ang pagkilala sa mga ambag at estadong panlipunan ng mga tao sa ibang kasarian partikular na ang mga bakla ay nagkaugat na sa loob mismo ng mga istrukturang panlipunan bago ang panahon ng 159 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
kolonyalismo. Sa gayon, posibleng mula sa impluwensyang Europeo ang panggigiit ng paghiraya sa paraisong bakla, nagbuhat sa edukasyong nakuha ng Hari at impluwensya ni Spies bilang Europeo mismo sa isla ng Bali. Nagdulot ang popularidad ni Spies, kahit papaano, ng pagtutulay sa ilang gawaing panturismo sa Bali at nakapaghikayat pa nga sa ilang bisitang Europeo na manindigan sa karapatang panatilihin ang paraisong Bali mula sa mga Europeong ideyal, na sa kung tutuusi y isang Europeong ideyal rin. Sa naratibo ng Singapore, interesante ang itinakbo ng salaysay ni Koe sa kanyang paglalahad kung paanong sa harap ng malupit na pagtrato sa mga bakla, nagkaroon ng panibagong pakahulugan ang isteryotipong kolonyal sa pangangatawang panlalake mula sa Europeong ideyal, na naangkin din kinalaunan. Nakatulong sa pagbubuo ng komunidad na virtuwal kapwa sa mga baklang Singaporean at dayuhan at nagbigay-daan sa pagsasagawa ng mga aktibidad na hindi napapansin ng istrikto at homopobikong pamahalaan (pah. 163-164, 212-213) ang paggamit ng umuunlad na teknolohiya sa komunikasyon at Internet bilang kubling espasyo. Gayundin, naghain ng ibang tipo ng ideyal na lalake ang paghirayang ito ni Koe ng gay Singapore. Higit sa pagtutol sa tatluhang superyoridad, nagawa ni Koe, sa tulong ni S2, isang online blogger na magbigay ng redepenisyon at angkinin ang ideyal na baklang lalakeng Asyano: edukado, may pangangatawan, at mapagmalaki (pah. 185-198). Tumaliwas ang pag-aangking ito sa titigdayuhan, gaya ng masusumpungan sa salaysay ni Spies, o sa posisyon ng kapangyarihan, tulad ng makikita sa mga salaysay tungkol sa Hari. Sa pamamagitan ng mga artikulo ni Fridae, nagawa nina Koe at S2 na lumikha ng pagkalalakeng Asyano para sa Singapore: nakapag-aral, sekswal, at may kakayahang ipaglaban ang katarungang sekswal (pah. 217-219). PANGWAKAS Sa kanyang pagtatapos sa Imagining Gay Paradise, inilahad si Atkins kapwa ang mahihinuhang pangako at paglalansag mismo ng realidad sa paraan ng pagtanaw at paghahanap sa paraiso. Sa isang banda, nagawa ng mga karakter na makapagtatag ng komunidad na nagsusulong ng tinawag ng tatluhang taboo. Maaaring magkakaiba ang antas ng pagtutol, ngunit patuloy na naghiraya ang mga indibidwal na ito ng paraiso bilang pook ng kaligtasan, sanktuwaryo, at kanlungan mula sa realidad na pinangingibabawan ng tatlong superyoridad. Maraming problema, gayunman, ang kinaharap ng pagkilos ng tatlong karakter: nawalan ng tagapagmana ang hinirayang istrukturang panlipunan; namamayanig higit ang pagiging tagalabas, at nakompromiso ang mga inasahang layunin ng pagkakaibigan at mga intensyong personal. Sa huli, nagawa ng aklat na marating ang layunin nitong ipakita ang mga posibilidad ng kapangyarihan ng imahinasyon at utilisasyon ng sining, katuwang ang realismo, upang 160 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
tutulan ang mapanaklaw na hegemoniya. Hindi rito natatapos ang pagbubuo at pamumukadkad ng imahinasyon; sa bandang huli, masusubukan ang kaganapan ng imahinasyon kung magiging paraan ang mga pag-asa at paghahangad ng bumuo nito upang maipursigi at maisakatotohanan ang inaasam na kalayaan mula sa hegemonikong ideolohiya na kasalukuyang nagdidikta sa kung ano ang pamantayan. Talahuli * Salin sa Filipino mula Ingles nina Adonis L. Elumbre. Para sa orihinal sa Ingles, maaaring magrekwest ng kopya kay Atoy M. Navarro, Tagapamahalang Patnugot <atoynavarro@yahoo.com>. Sanggunian Anderson, Benedict R.O. 1983. Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism. London: Verso, 2006. Atkins, Gary L. 2003. Gay Seattle: Stories of Exile and Belonging. Washington: University of Washington Press. Bakker, Freek L. 1995. Balinese Hindusim and the Indonesia State: Recent Developments. Papel na binasa sa Third International Bali Studies Workshop, Hulyo 3-7, sa University of Sydney, Australia. Chauncy, George. 1995. Gay New York: Gender, Urban Culture, and the Making of the Gay Male World 1890-1940. New York: Reed Business Information, Inc. Kingdom of Thailand. 1956. Thailand Penal Code. Websayt ng United Nations Office on Drugs and Crime, https://goo.gl/mbddwo (nakuha noong Hulyo 5, 2015). Kingdom of Thailand. 1997. Penal Code Amendment Act (No. 14), B.E. 2540 (1997). Websayt ng ThaiLaws, http://goo.gl/5tmjwq (nakuha noong Marso 13, 2015). Murray, Alison J. 2001. Let Them Take Ecstasy: Class and Jakarta Lesbians. Nasa Gay and Lesbian Asia: Culture, Identity, Community, mga pat. Gerard Sullivan at Peter A. Jackson, Peter, 165-184. New York: Routledge. Republic of Indonesia. 1999. Indonesia Penal Code. Websayt ng United Nations Office on Drugs and Crime, http://goo.gl/yckygi (nakuha noong Hunyo 23, 2015). 161 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya
Republic of Indonesia. 2002. Republic of Indonesia Law 23: Child Protection. Websayt ng International Resource Center, http://goo.gl/wy0yir (nakuha noong Hunyo 23, 2015). Terwiel, Barend Jan. 2007. The Body and Sexuality in Siam: A First Exploration in Early Sources. Manusya: Journal of Humanities 14: 42-55. United Nations Development Programme (UNDP) at United States Agency for International Development (USAID). 2014a. Being LGBT in Asia: Indonesia Country Report. Bangkok: United Nations Development Programme at United States Agency for International Aid. United Nations Development Programme (UNDP) at United States Agency for International Development (USAID). 2014b. Being LGBT in Asia: Thailand Country Report. Bangkok: United Nations Development Programme at United States Agency for International Aid. 162 ACABA: Ang Paghahanap sa Paraisong Mapagpalaya